HomeTop News Philippines

8 manggagawang pa-Cyprus, nasagip sa ‘human trafficking’

Nasagip ng Bureau of Immigration (BI) ang walong hinihinalang biktima ng human trafficking na sinubukang makaalis ng bansa sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga turista, sabi ngayong Lunes ng ahensiya.

Ayon kay BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, anim na lalaki at dalawang babae ang naharang ng mga tauhan ng BI sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Sabado bago pa man sila nakasakay ng isang eroplanong patungong Dubai na dadaanan papunta sa kanilang pinakadestinasyon na Cyprus.

Inamin ng walo nang tanungin ng mga Immigration officer na pangunahing pakay nila sa pagpunta sa Cyprus ang pagtatrabaho, sabi ni Medina.

Pero paalis umano ng bansa ang walo na tourist visas ang kanilang mga hawak.

“Six of them were allegedly hired as cleaners in a restaurant while one of them was recruited as a cook,” ani Medina.

Isa pa sa mga biktima umano ang nagpakita ng pag-uusap nila ng recruiter ukol sa ilegal na pagbiyahe ng walo, ayon kay Medina.

“She voluntarily showed a message exchange between her and her recruiter discussing the amount that each of them would pay the syndicate for processing and facilitating their illegal travel to Cyprus,” ani Medina.

Ibinigay sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang walo para mabigyan ng kaukulang tulong at para sa karagdagang imbestigasyon. –Ulat nina Dexter Ganibe at Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.