HomeTop News Philippines

6 hinihinalang tulak timbog sa buy-bust sa Davao

DAVAO CITY – Inaresto ng mga pulis ang 6 na drug suspect sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa siyudad mula Linggo ng hapon hanggang Lunes ng umaga.

Unang inaresto noong Linggo ang tricycle driver na si Kenneth Sumalinog na nabilhan umano ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa mismong bahay niya sa Matina Gravahan.

Naaktuhan din umanong gumagamit ng ilegal na droga sa bahay ni Sumalinog sina Norbelt Gregore at Marco Briones Santos, pawang mga tricycle driver. Inaresto din ang mga ito.

Aminado ang tatlong suspek na gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot pero itinanggi naman nilang nagbebenta sila ng ilegal na droga.

Kinagabihan naman, inaresto ng pulisya si Ansbert Recta, trabahante sa isang sagingan, matapos ring mabilhan umano ng mga operatiba ng shabu sa Bunawan.

Bukod sa naibentang droga, nakunan din umano siya ng isa pang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang ng 3 gramo at may tinatayang halaga na P20,000.

Madaling araw naman ng Lunes inaresto sina Dennis Tagadas Labuendia at Kenneth Dilad matapos mabilhan umano ng isang sachet ng shabu at makunan pa ng halos 20 sachet nito.

Tinatayang aabot sa P15,000 ang halaga ng shabu na nakuha mula sa dalawa.

Itinanggi ng mga suspek ang mga akusasyon sa kanila. Ang mga naaresto ay kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.