HomeTop News Philippines

4 arestado sa pagnanakaw ng motor sa Bulacan, 1 suspek menor de edad

MANILA – Inaresto ng mga pulis ang 4 na lalaki kabilang ang isang binatilyo na sangkot umano sa pagnanakaw ng motorsiklo sa San Jose Del Monte City, Bulacan.

Tanggal na ang farings at ibang bahagi ng motorsiklo nang matunton ito sa isang bahay sa Brgy. Loma De Gato sa bayan ng Marilao Sabado ng gabi.

Napuntahan ang lugar dahil sa tip na nakuha ng may-ari ng ninakaw na motor na si John Paul Macaraeg mula sa post niya ng pagkawala nito sa social media.

Kuwento ni Macaraeg, Biyernes nawala ang motorsiklo habang natutulog siya sa bahay.

“Di ko siya na-secured mga lock nya. Nalaman namin wala na noong papasok na lang ako,” ani Macaraeg.

Inaresto ang nakatira roon na si John Patrick Sy, 18, at bisita nitong si Angelo Cruz, 18 na umaming sila ang kumuha ng motorsiklo.

Depensa nila, kinuha umano nila ang motorsiklo ni Macaraeg para sa gulong nito dahil na-flat-an sila.

Itinuro nila na pinuno si Makoy Periña, 18, na inaresto sa follow-up operation kasama ng 16-anyos na kaibigan nito.

Itinanggi ni Periña na nagnanakaw siya ng motorsiklo.

Isinailalim naman sa karagdagang imbestigasyon ang 2 pang menor de edad at 18-anyos na lalaki na nadatnan din sa bahay.

Nakita pa sa bakuran ng bahay ang ibang mga tila chinop-chop na bahagi ng motorsiklo kaya tinitingnan ng mga pulis kung may kinalaman pa ang mga inaresto sa ibang pagnanakaw ng motor.

Ayon kay Insp. Nestor Babula ng SJDM police, nakilala ang 3 sa mga naaresto dahil sa CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng pagnanakaw.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong carnapping. Iimbestigahan din ang may-ari ng bahay na wala noong puntahan ito ng pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.