HomeTop News Philippines

4 arestado sa buy-bust sa Zamboanga City

Apat ang arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY – Apat ang arestado at higit P300,000 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng pulisya sa magkaugnay na anti-drug operation sa lungsod, Biyernes ng gabi.

Sa isang boarding house sa Barangay Canelar unang nasamsam ng pulisya ang 16 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang 30 gramo ang bigat.

Naaresto din sa isinagawang operasyon ang isang babae at ang kaniyang kasamang lalaki na ‘di umano’y sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Nakita din sa loob ng boarding house ang ilang drug paraphernalia tulad ng aluminum foil, lighter, gunting at weighing scale.

Ayon kay Chief Insp. Julius Dao-An, hepe ng Police Station 3 ng siyudad, nagre-repack ng droga ang mga suspect sa boarding house para pangbenta sa kanilang mga suki.

Nagulat naman ang may-ari ng boarding house nang malamang nagbebenta umano ng droga ang kaniyang tenant na wala pang isang buwan na nangungupahan. 

Pero napansin daw ng may-ari ng boarding house na panay ang pagpunta ng mga lalaki sa tirahan ng mga suspek.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis, naaresto naman nila ang magkasintahan sa loob ng isang hotel sa Calle Tomas Claudio.

Dito umano galing ang supply ng droga na nasabat ng mga pulis sa dalawang suspect sa Barangay Canelar.

Limang pakete na naglalaman ng droga ang nasamsam sa loob ng kuwarto kung saan nakacheck-in ang magkasintahan.

Mariing itinanggi ng dalawa na nagbebenta sila ng droga, pero hindi sila makapagbigay ng malinaw na dahilan kung bakit may nakuhang droga sa loob ng kanilang kuwarto.

Ayon kay Dao-an, iniimbestigahan pa nila kung saan naman kumukuha ng supply ng droga ang magkasintahan at kung miyembro ba sila ng isang drug syndicate.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang apat na naarestong suspect.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.