HomeTop News Philippines

34 Pinoy namamatay sa road crash kada araw – eksperto

MANILA — Nasa 34 Pilipino ang namamatay kada araw dahil sa mga road crash, sinabi ng isang eksperto, Linggo.

“Thirty four deaths a day [is recorded]… But one death is, for us safety practitioners, too many,” ani Engr. Alberto Suansing, road safety expert at tagapagsalita ng Toll Regulatory Board.

Tinatayang 80 prosyento aniya ng mga aksidente ay dahil sa human error, kung saan kabilang ang pagmamaneho nang lasing, pag-counterflow at pagkawala ng kontrol sa sasakyan.

“Human error is basically carelessness and recklessness of the driver,” ani Suansing sa panayam ng ABS-CBN News.

“Kahit na mechanical problem ‘yan, it can still be counted as driver’s error kasi maaaring napuna na niya pero itinuloy pa rin ang journey,” dagdag niya.

Pangalawa aniya sa mga nangungunang dahilan ang vehicle defect.

“Sa sasakyan na hindi roadworthy, pumutok ang gulong o kaya may mechanical trouble na ‘di kaagad napuna bago tumakbo o ginamit ang sasakyan,” sabi ni Suansing.

Nasa pangatlong puwesto naman aniya ang hindi maayos na kondisyon ng kalsada. Paliwanag niya, walang railguards sa maraming lugar sa Pilipinas, lalo na sa mountainous areas, dahilan para mahulog sa bangin ang ilang sasakyan.

Nagdudulot din aniya ng ilang aksidente ang mga pasaway na pedestrian.

Aniya, “We start with discipline. That cuts across motorists and pedestrians. Ang pedestrians may role din eh na dapat ginagamit nila ang kalsada nang maayos, tatawid sa tamang tawiran.”

Bukod sa displina, kailangan din aniyang tiyakin ng mga motorista na maayos na kondisyon ng kanilang sasakyan, katawan at isipan bago bumiyahe upang maiwasan ang aksidente.

“Once you feel tired, stop, magpahinga muna. Maghilamos ka, umidlip. Kaya sa long journeys, dapat may reliever na driver,” payo ni Suansing.

“Ang drivers dapat before embarking on a journey, no matter kung maiksi lang, dapat siguraduhing maayos ang sasakyan… Ang sasakyan dapat undergoes preventive maintanence. Ang driver dapat nasa kondisyon din siya,” dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.