HomeTop News Philippines

3 magkakapatid patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Sarangani

Patay ang tatlong makakapatid habang isa ang sugatan matapos pagbabarilin sa bayan ng Malapatan, Sarangani nitong Biyernes.

Kinilala ang mga biktima na sina Angelo, Allan, at Mayko Ingkong.

Isang menor de edad naman ang sugatan matapos tamaan ng ligaw na bala sa paa.

Batay sa imbestigasyon, pasado alas-6 ng gabi nang maganap ang pamamaril. Kinilala ng mga pulis ang suspek na si Jonathan Pablo, kapitbahay lang din ng magkakapatid.

Bigla umanong dumating sa bahay ni Angelo ang suspek at agad itong pinagbabaril. Nagkataon namang naroroon ang dalawa niyang kapatid na pinagbabaril din ng suspek.

Narekober ang mga basyo ng bala mula sa kalibre-.30 carbine rifle.

Ayon sa anak ni Angelo na si Angela, tinanong pa raw niya ang suspek sa nagawa nito sa kaniyang pamilya, pero hindi ito umimik at agad tumakas.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril dahil wala namang naitalang alitan ang magkakapatid at ang suspek. Wala ring naikuwentong problema sa pamilya ang mga biktima.

Ayon kay Insp. Alex Bayabos, deputy chief of police ng Malapatan, dati na rin umanong nasangkot sa pagpatay ang suspek sa bayan ng Glan noong nakaraang taon. 

Pero hindi ito mahuli ng mga pulis dahil magaling magtago.

Inihahanda na ng mga pulis ang kasong murder laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.