HomeTop News Philippines

3 kadete ng PNPA na dawit sa sexual favor issue, ano ang pananagutan?

Editor’s Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Pinaiimbestigahan ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang tatlong kadete mula sa kanilang hanay na nag-utos umano sa dalawang freshman na magsagawa ng oral sex bilang parusa sa umano’y paglabag na nagawa ng mga ito. 

Kinasuhan na ng hazing ang tatlong kadete. Ngunit tama ba ang naiharap na kaso sa mga ito? 

Ayon sa isang abogado, maaaring hindi akmang ang kasong hazing sa mga kadete kung wala namang initiation na nangyari at ginawa ang pag-utos bilang parusa. 

“Ang tanong, ito bang klaseng act … initiation ba ito? ito ba ay parte [ng isang initiation] kasi kung hindi… kung ito ginawa parusa, hindi siya papasok sa depinisyon [ng hazing],” ayon kay Atty. Claire Castro sa “Usapang de Campanilla” nitong Martes.
 
Ani Castro, sexual harassment ang tamang ikaso dito dahil humingi umano ng sexual favor ang mga kadete. 

“Dito kasi ang nangyari nag-demand ka ng sexual act. Masalimuot siya. Eh kasi siya ‘yung nag-utos niyan. Pero ‘yung panonood mo na-satisfy ka ba? kung ikaw ay nasiyahan sa pinagawa mo it’s a [sexual] favor,” aniya. 

Paliwanag pa ng abogado maaari ring kasuhan ng grave coercion ang mga ito dahil ginamit nila ang kanilang awtoridad para gawin ng mga freshman ang nasabing sexual favor, na labag sa kalooban ng mga ito. 

Pero ayon kay Castro, hindi maaaring makasuhan ng rape dahil hindi umano ginawa ng nag-utos ang nasabing akto. 

Maaaring makulong ang mga kadete batay sa Republic Act 7877, mula 1 hanggang 6 na buwan, at pagmultahin mula P10,000 hanggang P20,000 kung mapatunayan ang kanilang sala. 

Bukod dito, maaari ring patawan ng kasong administratibo ang mga kadete, na maaaring magresulta sa pagsuspende, pagsibak, o tuluyang pag-dismiss sa kanila mula sa PNPA. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.