HomeTop News Philippines

2 hinihinalang tulak patay sa engkuwentro sa Calamba City

MAYNILA — Patay ang 2 hinihinalang drug pusher habang arestado naman ang isa pa sa buy-bust na nauwi sa engkuwentro sa Calamba City, Laguna noong Miyerkoles.

Ayon kay Police Maj. Ryan Orapa, hepe ng Laguna Police Provincial Intelligence Branch, nagkasa ng buy-bust operation ang Calamba police laban sa suspek na si Jesus Tenido at kaniyang mga kasamahan.

Pagpunta ng mga nagpanggap na buyer sa bahay sa Barangay Sampiruhan, nakipagbarilan umano ang mga suspek nang makahalatang pulis ang katransaksiyon.

Patay si Tenido at kasama nitong nakilala lang sa alyas “Long Hair,” habang naaresto ang isa pa nilang kasamahan.

Nakuha sa bahay ng suspek ang 7 sachet ng shabu, isang shotgun, at kalibre .22 na baril.

Batay sa imbestigasyon, dating lokal na traffic enforcer ng Calamba City ang napatay na si Tenido subalit nasibak sa trabaho makaraang magpositibo sa drug test.

—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.